Inanunsyo ngayon ni Senador Loren Legarda ang pag-ratipika ng Senado ng International Labour Organization (ILO) Convention 189, o ang “Convention Concerning Decent Work for Domestic Workers” noong Agosto 6.
Ayon kay Legarda, pinuno ng Senate Committee on Foreign Relations, may 3.4-milyon Pilipinong kasambahay sa loob at labas ng bansa ang makikinabang sa kumbensiyon na pinaboran ng 20 senador.
“Natutuwa ako para sa ating mga kasambahay dahil ang pag-apruba ng ILO Convention 189 ay magbibigay daan sa tamang pagkilala sa kanilang mahalagang papel sa mga kabahayan kung saan sila nagtatrabaho at sa kanilang kontribusyon sa ekonomiya,” diin ng senador.
Batay sa talaan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), taun-taon ay tumataas ang pag-deploy ng Filipino domestic workers sa ibang bansa. Noong 2011, nasa 136,000 na newly-hired Filipino domestic workers ang nagtrabaho sa ibang bansa. Noon lamang lumagpas sa 100,000 ang bilang ng mga Pilipinong kasambahay na nagtrabaho sa ibang bansa sa unang pagkakataon.
Ipinaliwanag ni Legarda na sa pamamagitan ng ILO Convention 189 ay mabibigyan ng gobyerno nang higit na proteksyon ang mga kasambahay dito at sa ibang bansa.
“Ang ating mga kasambahay ay may sariling mga pangangailangan, mga pamilyang kailangan suportahan, mga kapatid na pinag-aaral. Tulad natin, sila ay nagtatrabaho, ngunit marami sa kanila ay pinagkakaitan ng kanilang mga karapatan at hinahamak ang kanilang pagkatao. Ngunit sa pamamagitan ng ILO Convention 189, tayo ay umaasa na ang ganitong uri ng kawalan ng katarungan ay mawawakasan,” diin ng senador.
“Ngayon ay kikilalanin na ang ating mga kasambahay bilang mga lehitimong manggagawa, hindi alipin, at mapagkakalooban nang maayos na kondisyon sa trabaho, sapat na suweldo at mga benepisyong ipinagkakaloob sa ibang manggagawa,” ani Legarda.
Nagbibigay ang nasabing kumbensiyon ng kalayaan sa mga kasambahay na mag-organisa tulad ng regular na manggagawa. Ipinag-uutos nito na magkaroon ng batayan na kontrata, batayan na sahod at karagdagang benepisyo tulad ng sick leave ang mga kasambahay.