Ambassador Carlos C. Salinas’ Christmas Message
Isang mainit na pagbati ng Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon sa lahat ng mga Filipino sa Espanya at Andorra!
Sa ating pagdiriwang ng pagdating ni Kristo, hinihikayat ko ang ating mga kababayan na atin ding gunitain at ipagpasalamat ang mga biyaya ng Panginoon nitong nakalipas na taon. Sa kabila ng hirap ng pagtatrabaho sa lugar na malayo sa ating bayan at mga mahal sa buhay, ating isaisip ang mga masasayang pagkakataon at mga tagumpay na ating nakamit ngayong 2013.
Atin ding patuloy na isama sa ating mga panalangin ang mga kababayan nating nasalanta ng lindol sa Bohol at sa mga karatig pook at ng Bagyong Yolanda sa Bisayas. Ang ating gobyerno sa pamumuno ng ating Pangulong Benigno S. Aquino III ay ginagawa ang lahat upang maibsan ang hirap ng mga apektado nating kababayan at upang muling maibangon ang mga nasalantang lugar sa lalong madaling panahon. Ang mga tulong at dasal na inyong mabilis at taus-pusong iniabot at ipinadala sa mga nasalanta ay napakalaking suporta para sa kanila.
Sa ngalan ng ating gobyerno at mga kababayang inyong tinulungan, ako ay nagpapasalamat sa inyong pakikiramay at pakikiisa. Dahil sa ating sama-samang pagkilos, naipakita natin na ang mga Filipino sa Espanya at Andorra ay handang tumulong sa ating bayan sa oras ng pangangailangan.
Ngayong Pasko at Bagong Taon, sana ay tuloy-tuloy tayong pagpalain ng ating Poong Maykapal. Kasabay ng pag-unlad ng ating bayan, sana ay patuloy din ang pag-angat ng kabuhayan ng pamilya ng bawat Filipino.
Sana ay maging masaya at makabuluhan ang Pasko at Bagong Taon para sa inyo at sa inyong mga mahal sa buhay.
Muli, mula sa akin at sa aking may bahay, at sa lahat ng inyong mga kaibigan sa ating Embahada sa Madrid, Maligayang Pasko po at Manigong Bagong Taon!
CARLOS C. SALINAS
Madrid, 25 Disyembre 2013